Welcome to my newest blog! I'm gonna post here all the things that are running through my mind and let you read them all... I hope you like my ideas and i expect your comments on them.

Monday, October 30, 2006

Hubad na Katotohanan

Masakit nga bang tumambad sa ating mga mata ang hubad na katotohanan sa kabataan, sa gobyerno, at sa ating sariling bansa?

Sa kabataan…
Minsa’y sinambit ni Rizal na “Ang Kabataan ang Pag-asa ng Bayan.”
Sa ating henerasyon, buong-buong ibinubulalas ng mga telebisyon, pahayagan at radyo ang kalagayan ng mga kabataan. Unti-unti nang gumuguho ang mga katagang binaggit ni Rizal. Dahan-dahang nagugunaw ang kaisipang dapat taglayin ng mga murang isip sa panahon ngayon.
Sa pagbuklat ng mga dyaryo at sa pagbukas ng telebisyon o radyo, tatambad sa atin ang mga balitang mga menor de edad na nanghalay, pumatay o dili kaya’y nagnakaw. Palubha nang palubha ang mga balita sa bawat pag-usad ng mga kamay ng orasan. Bukas, makalawa, hindi natin alam kung anu-ano pang krimen ang maaaring gawin ng mga kabataan na nalilihis ng landas.
Minsa’y napapaisip ang iba sa atin. May mga katanungan at iba pang bagay ang naglalaro sa isip natin. Bakit nga ba ganito? Nasan na ang mga isip ng mga kapwa natin kabataan? Ano ang dahilan kung bakit ba nila mas piniling tahakin ang maling daan? Ano na kaya ang mangyayari sa ating bansa?
Sa pagkawala nila sa tamang landas, kaakibat nito ang pagkawala sa kanila ng pinakamahalagang bagay na dapat nilang dalhin sa pagtanda – ang edukasyon. Napapabayaan nila ang pag-aaral. Hindi nila batid kung gaano ito kahalaga sa buhay ng tao.
Posibleng itanong ng iba kung anong pagpapalaki ang ginawa ng mga magulang sa kani-kanilang mga anak. Dahilan marahil ng iba na ang pag-aaruga ng magulang ay isang repleksyon ng kung anong pagkatao mayroon ang kanilang mga anak sa ngayon. Hindi lahat ng kapabayaan ay dapat isisi sa magulang. Kadalasa’y ang mga anak ang may nais ng kanilang mga pinaggagawa. Wala nang sapat na kakayahan ang mga ina’t ama upang masupil ang mga ‘sungay’ ng kanilang mga supling. Marahil, impluwensya na ring iba pang mukhang nakapaligid sa kanila.

Sa gobyerno at sa bansa…
“Subalit ang pamahalaan po ay itinatag sa ikakabuti ng bayan,” sagot ni Isagani kay Ginoong Pasta, hango mula sa El Filibusterismo.
Walang humpay rin ang paggawa ng nakakapanting sa taingang mga balita. Away dito, away doon. Kaso dito, kaso doon. Batuhan ng mga kritisismo, insulto at bintang.
Hindi na estabilisado ang ating gobyerno. Ang mga kawani nito ay siya pa mismong nagdudulot ng mga problema, korapsyon at iba pang uri ng katiwalian.
Ngayon, may krisis na kinakaharap ang ating bansa. Pilit isinasaayos ng gobyerno ang lahat. Pagpapataw ng buwis ang balak gawing sagot para rito. Hindi ba’t dapat maputol ang ugat nito upang tuluyan nang maapula ang nasabing krisis. Ang ugat ay ang mga tiwaling mga opisyales, wala nang iba…
Itanim man lang sana sa mga isip ng mga opisyal na sila ay iniluklok sa kanilang mga pwesto upang paglingkuran ang mga mamamayan, upang pagbutihin ang bansa, upang isaayos ang pagtakbo ng Pilipinas sa lahat ng larangan at upang pamahalaan ang mga tao para sa kaunlaran nito.
Sa mga suliraning ating kinakaharap, unti-unting nawawala ang sinasabi nating pag-asa sa bawat puso ng ating mga kababayan. Naiisipan na tuloy ng ibang mangibang-bansa na lang at iwan na ang lugmok na Pinas. Iba nama’y walang pakialam. Iyon ang pinakamasakit sa lahat.
Lagpak na ang Piso. Nakalugmok na sa putikan ang ating ekonomiya. Hindi estabilisado ang gobyerno. Laganap ang krimen. Walang nababanaag na pag-asa mula sa kabataan.
Ito ang realidad, ang hubad na katotohanan. Masakit na isipin hindi ba? Pero ito ang totoo, ang tunay na katayuan ng bawat isa sa atin at ng ating kapaligiran…

0 Comments:

Post a Comment

<< Home