Welcome to my newest blog! I'm gonna post here all the things that are running through my mind and let you read them all... I hope you like my ideas and i expect your comments on them.

Monday, October 30, 2006

Kweba ng Biyaya

Kung ikaw ay isang matayog (mayaman) o nagmamatayog (social mountaineer), maaaring hindi mo pa gaanong napagmamasdan ang kwebang ito o dili kaya’y wala kang balak pumasok dahil nga parang di ka nababagay sa lugar na ito. Nandidiri ka… Masuka-suka sa amoy at itsura… Hindi ba?
Kahit isa kang dayuhan sa isang lugar, mababatid mo kaagad kung saan matatagpuan ang kuwebang ito. Nagkakasunud-sunod ang pagbaba ng mga tao sa jip kung kaya’t nagdudulot ito ng masikip na daloy ng trapiko. Idagdag mo pa rito ang mga traysikel – mapa-de padyak o mapa-de motor. Sa rami ba naman nilang nagkalat, malilito ka kung kanino ka sasakay. ‘Di lang ‘yan, ang mga nagdedeliber na mga trak ay humaharang din sa kalsada. Doon kasi nagmamaneobra. Minsa’y sabay-sabay pa. At kadalasa’y nag-iiwan ng mga kalat sa pinagparadahan.
Ang mga tao, animo’y ‘di magkamayaw sa pagmamadaling makapasok sa nasabing kuweba. Pagkababang-pagkababa sa sasakyan nagkukumahog nang malasap ang nag-iintay sa kanila sa loob habang ang Haring Pebo ay paakyat pa lang sa kanyang trono. ‘Di na rin maaalis sa kanilang magdala ng mga bayong ngunit dahil sa pagbabago ng henerasyon o yaong modernisasyon, mas gamitin na ang mga naglalakihang mga plastic. Iba’t ibang kulay. At kung minsa’y kasya na ang isang tao sa sobrang laki.
Sabay sa pagpasok ng mga mamimili pa lang, ang paglabas naman ng mga hindi magkandadalang nakapamili na. Mauuri mo ang tao sa dasmi ng bitbit nilang mga plastic. Kung gaano karami ang dala nilang plastic, syempre ganun din karami ang perang lumipad mula sa bulsa nila. Dahil nga maraming nabili, karamihan sa kanila ay ‘di na sumasakay ng jip. Tatawag sila agad ng traysikel upang maiwasang magpaltos ang mga kamay nila.
Bukod sa mga sasakyan, malalaman mo rin ang kinaroroonan ng kwebang ito dahil sa natatanging itsura nito. Bubungad sa’yo ang mga nagtitinda ng bananacue o kaya’y turon o minsan pa nga’y okoy. Ito ang mga tindang hindi mawawaglit sa isang kweba. Kung wala nito, ‘di ito matatawag na kweba. Ang ingay rin ng mga bunganga ng mga nagtitinda ay pumapailanlang na sa ere. Ang mga gilid ntio ay parang mga butas na tinahi at tinagpian ng mga plastic. Sinasamahan pa kadalasan ng mga plywood at ibang putol-putol na kahoy. At syempre, para hindi mawala ang identidad nito ang nagsisilakihang “______ Market.”
Katulad ng nabanggit ko, marami ang mga nakaparada at nakaharang na mga trak. Sila ang numero unong pinagmumulan ng halimuyak na maaaring kumitil sa’yo. Masangsang ang amoy at ito na malamang ang dahilan kung bakit hindi man lang sumasayad ang naggigintuang mga paa ng mga matatayog at nagmamatayog.
Ilan lang ito sa mga pahiwatig upang malaman mong malapit o nasa may kweba ka na. Kung ganito ang kalagayan sa labas ng kweba, ganoon din kaya sa loob?
Malimit ang mga mga kwebang walang dibisyon – ang WET at DRY Market. Karamihan hati ang mundo sa loob ng kweba.
Unahin ko na ang Wet Market dahil ito ay hindi malapit sa puso ko. Ang implikasyon ng naturingang Wet ay syempre basa kung kaya’t maputik, minsa’y ubod ng putik – naglalawa ‘yung ibig kong ipunto. Mas matitiis mo ang amoy dito kumpara sa labas ng kweba kahit sabihin mo pang nagkahalo-halo ang mga amoy nito. Pero pangako, mas matitiis mo!
Bukod sa amoy, dito makikita ang mga manok (mula sa pagkuha sa kulungan hanggang sa gilitan, pakuluan at hati-hatiin sa bawat parte nito), ang bakang tilad-tilad na at namumula, ang baboy na nakasabit sa bawat tindahan, ang mga isdang nilulunod sa tubig na may yelo at mamula-mula na ang mga mata at malapit nang mabilasa ang iba, at ang iba pang nagmamahalang mga lamang-dagat tulad ng hipon, talaba, tahong, alimasag at paros.
Kung nais mong makabili ng kalidad at murang bilihin, dapat marunong kang tumawad. At ang karamihan nga’y pambabarat ang ginagawa para lalong makamura hanggang sa puntong sadsad na sadsad na ang presyo sa puhunan ng mga tindera. Ang iba naman mukhang nilalangaw ang tinda dahil puro langaw lang ang nagtatangkang lumapit sa paninda nila. Kung kaya naman, hiyaw nang hiyaw ng “Suki, bili na!” ang mga ito para may bumili kahit hindi pa nakakabili kahit isang beses ang mga ito. Ang iba namang desperadong manininda bagsak-presyo para lang mabili na ang kanilang tinda at may kitain kahit papaano. Sa kabilang banda, mayroon ding nagmamatigas at ayaw matawaran ang kanilang paninda dahil alam nilang ‘di makakatanggi ang mga tao dahil pangangailang o necessity iyon. Kadalasan umaabot sa puntong nagtatalo ang dalawa sa presyo.
Hindi rin mawawala sa eksena ang mga sumusutsot at nagsasabing “Tabi po, makikiraan lang!” – ang mga kargador. Sila ang mga tagahatid ng mga manok – mapapatay o buhay man. Nakatali iyon sa isang pingga na isinasakbit sa balikat ng mga ito. Hila-hila naman ng bartilyo ang banye-banyerang isda upang isakay sa kariton.. Kadalasang nakabota, walang pang-itaas at humuhulas ang pawis sa buong katawan ng mga ito.
Ngayon naman, ang medyo gusto kong parteng palengke – ang Dry Market. Dahil nga dry, hindi maputik sa lugar na ito. Nadadampian lang ng putik kung ang mga mamimili ay galing sa kabilang mundo at dumarayo rito upang bumili. Sila ‘yung mga huling pinupuntahan ito dahil ayaw nilang matirhan ng bilasang isda at pinagpiliang baboy o baka. Mas maayos dito kahit medyo mainit dahil talagang kulob ang parteng ito.
Medyo bihira ang mga gulay at prutas dito sapagkat ang karamihan nito’y nasa kabilang ibayo pero mayroon pa ring nagtitinda nito sa dry market. Ang mga plasticwares tulad ng mga pitsel, baso, jag, mangkok, tasa, baunan at mga footwears tulad ng tsinelas, sandalyas, bota at sapatos ay naglipana saanmang sulok ng bahaging ito. Naririto rin ang saku-sakong bigas na iba’t iba ang presyong binatay sa klase o uri (may bago o laon) at sa kahilaban nito. Laging kasama ng bigas sa tindahan nito ang monggo, malagkit, beans, noodles at iba pang kauri nito. Mala-groseri rin ito dahil makakabili ka ng mga sabon – panlaba o panligo, panghugas ng pinggan, detergents, at mga de lata. Hindi rin mawawala ang mga naglalakihang mga kainan na di maubusan ng taong kumakain. Dahil na rin siguro sa kayang-kaya ng bulsa at malapit sa tiyan ng mga mamimili ang mga luto.
Tulad ng sa Wet Market, ang sagutan ng mga manininda at mga bumibili ay hindi makakailang nakakabit sa bawat eksena sa loob nito. Mataas pa rin ang pamantayan ng mga mamimili kaalinsabay ng pagtaas ng kilay. Namumutawi sa bibig ng mga tindera ang mga katagang “Ate, ano po sa inyo?” o dili kaya’y “Shorts po ba o tsinelas ang hanap ninyo?” Tama, panghahalina! Bihirang tigilan ka ng mga taong ito hangga’t di ka nakakaalpas sa kanilang paningin. Pero ang mga nagdaraang mga manininda, dedma… parang wala naririnig at diretso lang ang paglakad…
Hindi maikakaila na ang kwebang ito o ang palengke ay isang pangangailangan. Hindi lilipas ang isang linggo na hindi mamimili ang bawat tao. Karamihan ng ating kailangan sa araw-araw ay naririto na. Bigas… Pang-ulam… Prutas… Damit… Kasangkapan… Gulay… Samatuwid, ang palengke ay maituturing na isang pangangailangan na rin ng tao.
Ang palengke ay hindi mo rin masasabing isang ordinaryong pook lang na may mga tinda. Sa halip, ito ay isang mahalagang pook kung na ‘di na natin matatanggal sa ating kultura at sa ating buhay. Lumaki ang bawat isa sa atin na nasilayan na ang palengke… Walang sinuman ang makalilimot sa pook na ito.
Kung inaakala ninyo naman na puro ordinaryong tao lang ang namimili rito o ‘yung ayos lang ang estado sa buhay, dyan kayo nagkakamali. May mga maykaya rin ang dumarayo rin dito, kaya nga lang, mayroon talagang mga taong sosyal kaya sa katulong na lang nag-uutos. Hindi maitatangging ang palengke ay isang tagpuan ng mga taong mula sa iba’t ibang karera o estado ng buhay. Mga taong iba’t iba ang personalidad, karakter, ugali, itsura, pamantayan, prinsipyo at kwento ng buhay. Datapwa’t iisa lang ang kanilang layunin sa pagpunta rito. Ito ay ang bumili ng kanilang mga pangangailangan sa kweba ng biyaya…

0 Comments:

Post a Comment

<< Home