Welcome to my newest blog! I'm gonna post here all the things that are running through my mind and let you read them all... I hope you like my ideas and i expect your comments on them.

Monday, October 30, 2006

Pagbabanyuhay

Ang Perlas ng Silangan ay muling nahaharap sa isang isyu na maaaring magpalubha o makagamot sa kanser ng lipunan na nananalaytay pa rin mula noong panahon ng Kastila hanggang sa kasalukuyan.
Naging usapin matapos ihayag ng Pang. Gloria Arroyo sa kanyang SONA noong ika-25 ng Hulyo, 2005 ang pagsisimula ng pag-aamenda ng saligang batas upang mapalitan na ang sistema ng pamahalaan mula sa pagiging presidensyal patungong parliyamentaryo. Hanggang ngayo’y pinagtatalunan pa rin ang nasabing usapin ng mga senador at kongresista.
Sa kasalukuyang estado ng Pilipinas, hindi napapanahon ang pagpapalit ng sistema ng gobyerno. Maraming salik na dapat isaalang-alang. Maraming problemang dapat munang pagtuunan bago isagawa ang pagiging parliyamentarismo.
Sa isang banda, napakaganda ng mga inihahain ng ganitong sistema para sa bansa. Ang ehekutura ay isang gabinete na pinamumunuan ng punong ministro na siyang pinuno ng gobyerno. Ang punong ministro ay itatalaga ng mga lider ng mga partido sa parliyamento. At ang mga miyembro ng gabinete naman ay maaaring ipatanggal sa pwesto ng parliyamento sa pamamagitan ng “vote of no confidence.” Dagdag pa rito, ang ehekutibo ay maaaring kadalasang alisin ang parliyamento at magpatawag ng eleksyon. Hiwalay rin ang kapangyarihan ng pinuno ng gobyerno o ang Punong Ministro, at ng pinuno ng estado o ang Pangulo. Sa karamihan ng bansang may ganitong sistema ng pamahalaan, ang pinuno ng estado ng kadalasang pangseremonya lamang ang papel at minsa’y rin nakikialam sa pagtatalaga sa “civil service.”
Isa sa mga bentahe nito ay pwedeng pagpaliwanagin ang parliyamento sa mga hindi nararapat na aksyon. Ang punong ministro ay kadalasang kinukwestiyon ng lehislatura sa mga gawain nito. Nangangahulugang kapag may hindi tamang ginawa ang Punong Ministro maaari itong patalsikin kaagad.
Sa nasabing sistema ng pamahalaan, mas madaling magpasa ng batas ang ehekutibo ay nananangan sa direkta o indirektang pagsuporta ng lehislatibo at kadalasan rin itong binubuo ng miyembro ng lehislatura. Kaya kung may batas na kailangang ipasa, mas madali na ang proseso nito. Samakatuwid, ang mga batas na kinakailangang ipasa para sa ikabubuti ng mga mamamayan ay madali nang mabibigay sa kanila.
Ang parliyamentarismo rin ay nababagay sa mga nasyong may pagkakahati-hati ng mga etniko. Kung sa sistemang presidensyal, lahat ng ehekutibong kapangyarihan ay nasa kamay ng presidente. Ngunit sa parliyamentaryong sistema, ang kapangyarihan ay hati-hati. Mas mabibigyan ng kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan sa bawat estado nila. Kung tutuusin, mas may boses ang bawat etnikong grupo sa kanilang sariling gobyerno kumpara sa mga presidensyal na uri ng pamahalaan.
Sa kabilang banda, may mga di-magandang idudulot rin ito. Ang pinuno ng gobyerno ay hindi maaaring iboto ng mga mamamayan di tulad nang sa presidensyal na sistema. Ang punong ministro ay iniluklok ng mga lider ng partido.
Dahil nga sa hindi pansing seperasyon ng kapangyarihan ng ehekutibo at lehislatibong sangay, marami ang naniniwalang ang parliyamentarismo ay nagbibigay ng mas maraming kapangyarihan sa ehekutibo. Samakatuwid, ang lehislatura at hudisyal na sangay ay may kakarimpot na kapangyarihan upang magsagawa ng “check” o “balances” sa ehekutura.
Sa parliyamentarismo, maaaring magkaroon ng eleksyon kahit anong oras kapag ninais ng lehislatibo na paalisin sa pwesto ang Punong Ministo. Kung gayon, ito ay pwedeng abusuhin. Maaaring kada buwan ay magpalit ng pinuno ng gobyerno.
Kapag ilalapat ito sa kasalukuyang estado ng bansa, mas mapapadali ang pagsususog ng mga batas na makabuluhan na siyang tutugon sa mga pangunahing pangangailangan ng sambayanang Pilipino. Hindi na kailangang dumaan pa sa kung anu-anu proseso ito na nagpapatagal lang sa paggawa nito.
Dahil kilala ang Pilipinas sa pagkakaroon nito ng iba’t ibang etnikong grupo, mas mabibigyan ng pansin ang bawat rehiyon. Mas mapapagtuunan ang mga pangangailan ng mga etnikong grupo na hindi maibigay ng presidensyal na sistema.
Kung may makita namang butas sa gobyerno partikular sa punong ministro, maaaring paalisin ito agaran sa pwesto at magtatalaga ng panibagong punong ministro. Tulad ng nagaganap sa Pilipinas ngayon, kung si PGMA ay punong ministro matagal na siyang natanggal sa posisyon.
Maraming idudulot na kainaman ito sa bansa. Kaya lamang ay hindi napapanahon ito sa kalagayan ng Pilipinas.
Ang isyu ng di-umano pandaraya ni PGMA noong nakaraang eleksyon ay hindi pa humuhupa kahit kinitil na ng mga kongresista ang “impeachment trial.” Kung isasagawa ngayon ang pagsulong sa pagpapalit ng sistema ng gobyerno, matatabunan na ang nasabing isyu.
Nandyan din ang kasalukuyang pag-iimbestiga sa pagtanggap at paggamit ng pamilya ni PGMA sa jueteng payola noong sa di-umano pandaraya sa eleksyon.
Ang isyu rin ng kawalan-trabaho ay problema pa rin ng bansa. Milyon pa rin ang walang trabaho at ang iba naming may trabaho ay hindi sapat ang panggastos sa pang-araw-araw.
Ang bansa ay kasalukuyang hati-hati dahil, una, sa karakter na rehiyonalistiko ng bawat Pilipino, at, ikalawa, sa pagkahati ng Pro-GMA, Anti-GMA at mga walang pakialam. Kung papalitang ang sistema ng gobyerno, mas lalong mahahati ang mga Pilipino sa kultura, sa paniniwala sa pamumuno sa gobyerno at sa bawat estado.
Isa pang dapat isaalang-alang ang pagiging hindi maalam ng mga Pilipino sa kung anu-ano ang nilalaman ng konstitusyon. Nang nasa kainitin ng usapin ang pagpapalit ng gobyerno, nagkaroon ng “ambush interview”ang TV Patrol upang malaman kung alam ba ng mga Pilipino ang laman ng saligang batas. Kamalas-kamalasan, wala sa kanila ang may alam kung ano ang laman nito. Sabi nga sa panayam ng Bise-Presidente Noli de Castro, ang mahalaga ay maintindihan ng madla kung ano at para saan ang konstitusyon.
Kung papalitan ang sistema, ang bawat estado ay magkakaroon ng sariling Korte Suprema, sariling konstitusyon at sariling pangongolekta ng buwis. Samakatuwid, mas magastos dahil maraming ipapatayong mga departamento o establisimento at maraming dapat pagkagastusang dahil magsasarili na ang bawat estado. Hindi maikakailang palobo nang palobo ang utang ng Pilipinas, kung gayon, mas mataas na buwis ang ipapataw sa bawat Pilipino kung matutuloy ang pagsasarili ng bawat estado. Mas magastos…
Kung aanalisahin ang estado sa ngayon ng Pilipinas, mas marami pang mga problema ang dapat munang bigyan ng solusyon bago isakatuparan ang pagpapalit ng sistema ng gobyerno. Maraming mga Pilipino ang walang pagkain sa hapag. Maraming bata ang nasa lansangan sa halip na nasa paaralan…
May mabibigat na suliranin ang bansa, ang kanser ng lipunan, na dapat munang bigyan ng lubusang solusyon. Matapos nito mas Malaya at mas madaling makakapagpalit ng sistema ang gobyerno.

Sanggunian: Wikipedia

0 Comments:

Post a Comment

<< Home