Welcome to my newest blog! I'm gonna post here all the things that are running through my mind and let you read them all... I hope you like my ideas and i expect your comments on them.

Monday, October 30, 2006

Ruweda

Hay! Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, ganoon pa rin ako. Halos walang nagbago sa sarili ko. Iyon ang sa tingin ko lamang. Sabi kasi ng iba ang laki daw ang pinagbago ko. Ewan ko ba? Ba’t ganoon? Ang dali mong mapansin ang pagbabago sa paligid mo pero ang mga pagbabago sa sarili mo ni hindi mo maalintana. Kaya nga minsan, ang napagdiskitahan kong punahin ay iyong mga naging paaralan ko o ang aking mga alma mater.
Ang pagiging elementarya ko ay masasabi kong parang laru-laro lamang. Hindi ko gaanong sineryoso ang pag-aaral. Natatandaan ko pa nga noon, ang paaralan ko ay maliit at luma na kasi dati iyong bahay. Nirentahan at ginawang eskwelahan. Di ba ang galing? Mabibilang mo lang sa lima mong mga daliri ang mga silid-aralan doon. Hati kasi ang mga klase. Mayroong pang-umaga at mayroong panghapon. Panghapon ako noon kasi tinatamad akong gumising nang maaga at naintindihan din naman ‘yon ng nanay ko.
Mula sa dating bahay na parang mansyon na ring maituturing, nagpagawa ng dalawang bagong gusali. Kung kaya’t gumanda naman ang kapaligiran. Pwede pang maghabulan at magtaguan ang mga estudyante. Oo, gumanda… Tumaas ang mga gusali. Dumami ang mga kwarto. Ang mga mag-aaral – dumami kahit papaano. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, ganoon pa rin ang mga pasilidad. Dalawang bentilador kung kaya’t napakainit. Wala pa ring locker kada kwarto kung kaya’t magkandakuba kami sa pagdala ng halos pitong libro na ang iba’y makakapal pa at ng mahigit sa sampung mga kwaderno. Mala-kampanerang kuba ang labas namin. At ang blackboard… blackboard pa rin! Ang mga silya buti nama’y napalitan ng mga naggagandahang plastik na armchair na kalauna’y puno na ng mga kung anu-anong mga vandalism.
Swerte naman ako sa guro. Magagaling naman ang karamihan. Pero lagi nga lang nakabase sa aming mga libro kaya laging pasarap ang buhay namin. Ni hindi nga kami nakatapak sa silid-aklatan na ayaw naman talagang ipagamit sa ‘di malamang dahilan. Dagdag pa rito, mamamangha ka talaga sa mga titser. Biruin mo ang guro ko sa agham noong ika-anim na baiting, naging guro ko rin sa M.A.P.E. (Music, Arts, & P.E.). ‘Yung guro ko rin sa Math noong nasa ikalima at ika-anim na baiting ako, nagturo rin ng Biology at Chemistry sa hayskul. Kahanga-hanga naman talaga…
Pagdating naman sa kalidad ng edukasyon ng paaralan ko noong elementarya, maganda ang turo lalo na nang Grade 1 pa lang ako. Subalit, dahil na rin sa problema sa guro, hindi na gaanong naituturo nang mahusay ang mga leksyon habang tumatagal. Ito rin ang masasabi kong dahilan kung bakit ako inilipat ng tatay ko sa mas “sikat” at masasabing may reputasyong akademya.
Ayoko talaga lumipat ng hayskul dahil sa mga kaibigan ko. Tatlumpu’t anim na nga lang kaming nagsipagtapos doon, tapos mag-aaway-away pa kami. Pero dahil sa kagustuhan ng aking mga magulang, wala akong nagawa…
Isang Katolikong institusyon ang pinaglipatan sa akin. Maganda. Malinis. Pangmayaman. Malawak. Sa katunayan nga, muntik-muntikanan na akong maligaw ng pumasok ako isang araw. Sa gate sa likod ako nagdaan, ewan ko ba kung ano ang pumasok sa isipan ko at doon ako nagdaan. Buti naman sa tulong na rin ng aking mga magagaling na paa, natagpuan ko ang liwanag. Lalo ko pang binilisan ang lakad patungo sa klasrum ko. Ayokong mahuli sa flag ceremony dahil ‘di ko alam ang mangyayari sa’kin. Kasi nga new student ako…
Wow! Wala talaga akong masasabi sa mga kwarto, dingding, pasibilidad at kung anu-ano pa! Naka-airconditioned ang mga klasrum. Lahat! At eto pa, bawat kwarto, may apat na electric fan (‘yung iba ‘di gumagana!), kompyuter, telebisyon, amplifier, OHP o Over Head Projector. Saan ka pa? Para ‘kong isang alien o taga-bundok na ngayon lang nakakita ng mga produkto ng teknolohiya na makikita sa bawat klasrum. High tech nga! Kaya ‘pag may reporting isang saksak, mga pitong pindot, tanannn!!! Makakapagreport ka ura-urada.
Nakasanayan ko na noong nasa grade school ako na malapit ako sa mga guro. Paano naman ba hindi ka magiging close, ang isang guro halos dalawa hanggang tatlong taon mo magiging guro. ‘Yung titser ko ng sa English, mula unang baitang titser ko na! Ngunit iba na pala ‘pag hayskul Animo’y nakatuntong ang bawat isa sa amin sa numero. Bawat galaw kalkulado. Bawat galaw ingat na ingat. Mahirap matukoy ang timpla ng ugali ng mga guro. Baka kagalitan o dili kaya’y ipahiya sa klase. Mga bagay na kinatatakutan ko.
May mga titser na nakasundo ko kaagad. Magaling ang pagmomotibasyon sa klase. May mga props pa kadalasan. Nakikipagbiruan kahit bagong kakilala mo pa lang. Ang iba’y ‘di mahirap ispelingin at pakisamahan. Mayroon din isang beses pa lang nilatag ang aralin, kuha mo na kaagad. Pero mayroon din akala niya isa siyang napakagaling na guro. Papasok lang sa klase para makipagkwentuhan. At paglutuin ba naman kami sa sabjek niya – English? Tama ba ‘yon? Natapos ang taon, wala akong natutunan!
‘Di hamak na mas maganda at mas mataas nga ang kalidad ng turo sa pinag-aralan ko ng hayskul. Isama mo pa rito ang mga high-tech na mga kagamitan. Dahil na rin sa mas magandang turo, mas hindi ka patutulugin dahil tatabunan ka ng sangkaterbang mga takdang-aralin, dula, presentasyon, proyekto, babasahin, at mga pananaliksik. Maswerte na ako ‘pag nakatulog ako ng ika-10 ng gabi. Sa paraang ito ko lamang natanto na di lang pala dapat ibase ang mga aralin sa librong ipinabibili. Pero ang masaklap dito, napakagastos. Mabubutas talaga ang iyong bulsa.
Sa sampung taon ng mahirap-na-medyo-mahirap na pag-aaral sa elemtarya at sekondarya, marami akong natutunan. Sa sobrang dami kong natutunan, ang iba’y nawaglit na sa aking isipan… Ngayon nama’y nasa pinakamahirap na yugto na ako ng pag-aaral – ang kolehiyo.
Ngayo’y nasa unibersidad na ako pero hindi ko maiwasan na magbaliktanaw at minsa’y bisitahin naman ang aking mga alma mater.
Ang paaralan ko noong elementarya ay kahindik-hindik ang kinasapitan. Hindi ko rin alam kung bakit. Nakakagulat. ‘Di kapanipaniwala. ‘Pag dumaraan ang sinasakyan kong jip doon, sinisilip ko iyon. Tinitingnan ko kung may mga pagbabago. Ganun pa rin ang mga gusali na nasaksihan kong itayo. Subalit ang mga guro pasama nang pasama. Batay sa mga kwento ng dati kong mga kamag-aaral, kung sinu-sno nang mga guro ang pumasok at ipinasok ng prinsipal. Ganun pa rin ang sistema.Ang titser ng Computer pwedeng magturo ng Math o dili kaya’y C.A.T. Halos wala na raw silang natutunan. Nabulok na nang tuluyan ang dating ipinalasap sa akin na kalidad ng edukasyon sa paaralan iyon.
Kung mga estudyante ang pag-uusapan, nakakagulat din. Makikita mo na lang ang mga matitigas ang ulong mga estudyanteng naninigarilyo sa mismong tindahang katabi ng aking alma mater. Hindi ba’t malaking sampal iyon sa mga nagpapatakbo ng aking alma mater.
Ang bunga ng nabulok nang sistema ng edukasyon sa nasabing paaralan? Wala ni isa man sa kanilang nakapasa sa UP kahit ang naturing nilang valedictorian at salutatorian.
Sa paggradweyt ko ng hayskul, marami rin palang mga gurong nagsialisan kung kaya’t nang dumalaw ako roon kamakailan, nagulat na lang ako sa dami ng mga bagong mukhang naglalakad sa mga pasilyo. Napatanong na lang ako sa sarili ko, “Paano na kaya ang mga mag-aaral na naiwan doon?” Kadikit ng pagpasok ng mga baguhang mga guro ang pag-aalinlangan kung maibibigay ba nila ang kalidad ng edukasyong inihain sa’min ng mga nagsialisang mga guro o kung mahihigitan ba nila iyon. Kung hindi, kaawa-awa sila ‘pag nagkataon…
Ganun pa rin naman ang klasrum. Kompleto pa rin ang mga high tech gadgets. Lamang ay pinalitan na nila ang mga ordinaryong airconditioners ng mga split-type airconditioning units. Kaya lalo pang lumamig sa bawat klasrum at tumaas din ang matrikula. May mala-OPAC na rin ang silid-aklatan pagkatapos ng isang siglo ng pag-aayos niyon.
Sa pagbisita ko kamakailan, nakausap ko ang moderator namin sa paggawa ng dyaryo ng hayskul. Ani ko sa kanya, “Ms., nakita ko na ang malaking pinagkaiba ng SJA sa ibang eskwelahan at sa UP…” Nag-usisa siya at hiniling na ilahad ko ang nais kong sabihin pero hindi ko na pinalawig ang ibig sabihin ng aking dila.
Marami na akong nakilala sa unidersidad kahit magtatatlong buwan pa lang ako rito. Iba’t iba ang pinanggalingang mga paaralan, karamihan ay yaong mga Science High School. Syempre, hindi makakaila na karamihan ng mga mag-aaral mula sa ganung uri ng paaralan ay matatalino. Hindi maaalis ang kwentuhan na may kasamang pagmamalaki sa kanilang pinanggalingang paaralan. Kadalasan nga’y kahit hindi mo tanungin kung saan sila grumadweyt ay malalaman mo kaagad dahil sila ang kadalasang nagpapasiklab ‘pag may mga diskusyon lalo na sa mga klase sa Math at Science. Hindi na kailangan pang usisain, maganda at advance ang edukasyong inilatag sa kanila dahil sila ay mula sa isang Science High School. Sa kabilang banda, ang mga tinuturo sa kanila ay advance nga lang kumpara sa isang ordinaryong hayskul. Tulad ng sa dating kong paaralan, tutok sila sa mga sabjek tulad ng Math. Kaya talaga naman matitinik sa matematika ang mga mag-aaral na iyon. ‘Di ko maiiwasan na minsan manliit ako… Parang walang panama ang skul ko dati kung sa Science ang paglalabanan. Kakaiba ang kurikulum nila. Katulad ng nabanggit ko, mga advance ang mga asignatura nila. May mga dagdag pang mga asignatura o ‘yung mga electives. Hindi tulad ng sa amin…
Isang beses nang makakwentuhan ko ang aking nanay, nabanggit ko nga sa kanya ‘yung mga narinig at nalaman ko ukol sa kalidad ng edukasyon ng elementarya at hayskul. Ang dami-dami namang medyo malalapit na mga mas magagandang paaaralan sa Malabon, ba’t doon pa ako grumadweyt. Sana doon na lang nila ako pinasok. Sana doon na lang ako nagtapos. Sana nga…
Batid kong huli na ang lahat. ‘Di ko na maibabalik kung anu-ano na ang mga naganap sa buhay ko ngunit hindi talaga mawaglit sa aking isipan ang panghihinayang at pagsisisi. Nais kong balikan ang nakaraan nang sa gayon ay sa kilala at magaling na eskwelahan ako nagtapos. Mag-e-enjoy siguro ako nang husto at ‘di lang iyan, mae-expose pa ako sa tunay na mundo ng akademiko. Malamang malilinang ko kung anumang talento mayroon ako. Mas marami akong natutunan at malalaman. Ito ay tiyak. Dugtungan ko man ang linyang ito ng sangkatutak na “Sana…” wala na akong magagawa kundi punan ang mga naging pagkukulang…
Sa kabilang dako, masasabi kong maswerte pa rin ako. Maswerte kasi naging puhunan ko ang mga naituro at natutunan ko noon sa pakikipagsapalaran dito sa unibersidad. Malaking tulong talaga… Kahit minsan hindi maiwasang maramdamang nakapanliliit, hindi ako nagpapahuli dahil alam kong may ibubuga naman ako. Oo nga’t mas mataas ang kalidad ng edukasyon ng ibang paaralan lalo na ang mga Science high School pero hindi lang naman ang tulad nila ang nakapasok dito sa UP. Ibig sabihi’y hindi lang sila ang maalam at hindi lang sila ang may mataas na kalidad ng edukasyon sa bansa. Masasabi kong ang paaralang kung saan ako nagtapos ng hayskul ay humubog at humasa sa aking kamalayan at talino. Iyon ay sa pamamagitan ng training at kalidad ng edukasyong pinaranas sa akin. Mataas din naman ang kalidad ng edukasyon sa alma mater ko pero talagang hindi makakailang mas mataas ang sa mga Science High School.
Kaya, kung ako ikaw, ‘wag magpahuli kung alam mong may talino kang maipagmamalaki. ‘Wag magpaalipin sa ganitong uri ng kaisipan… tulad ko na ngayo’y nakawala na sa gapos…
Tama na ang “Sana…Nga”!!! Kuntento na ‘ko at ito ang panalo!

0 Comments:

Post a Comment

<< Home